1 Hari 12:20-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

21. Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya.

22. Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod,

23. “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon

24. na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.

25. Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito.

26. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David

27. kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”

28. Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.”

29. Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan.

1 Hari 12