1 Hari 12:10-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Sumagot ang mga kababata ni Rehoboam, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang kalingkingan ko ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama.

11. Ang ibig kong sabihin, mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung hinampas kayo ng aking ama ng latigo, hahampasin ko kayo ng latigong may mga matalim na bakal.’ ”

12. Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila.

13. Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya ng masasakit ang mga tao

14. ayon sa ipinayo ng mga kababata niya. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”

15. Hindi nga nakinig ang hari sa mga tao, niloob ito ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo.

16. Nang malaman ng lahat ng Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Wala kaming pakialam sa iyo na mula sa lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” At umuwi nga ang mga Israelita.

17. Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang napamahalaan ni Rehoboam.

18. Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoniram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem.

19. Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

20. Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

21. Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya.

22. Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod,

1 Hari 12