1 Hari 11:4-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Nang matanda na siya, nahimok siya ng kanyang mga asawa na sumamba sa ibang mga dios. Hindi na naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ng ama niyang si David.

5. Sumamba siya kay Ashtoret, ang diyosa ng mga Sidoneo at kay Molec, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita.

6. Sa pamamagitan nito, nakagawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi siya sumunod nang buong katapatan sa Panginoon; hindi tulad ng ama niyang si David.

7. Nagpagawa si Solomon ng sambahan sa matataas na lugar, sa bandang silangan ng Jerusalem, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Moabita. Nagpagawa rin siya ng sambahan para kay Molec, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita.

8. Nagpagawa rin siya ng simbahan ng mga dios-diosan ng lahat ng asawa niyang dayuhan at doon sila nagsusunog ng mga insenso at naghahandog para sa mga dios-diosan nila.

9. Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil tinalikuran niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang beses.

10. Kahit binalaan na niya si Solomon na huwag sumunod sa ibang mga dios, hindi pa rin sumunod si Solomon sa kanya.

11. Kaya sinabi ng Panginoon kay Solomon, “Dahil hindi mo tinupad ang ating kasunduan at ang mga utos ko, kukunin ko sa iyo ang kaharian mo at ibibigay ko sa isa sa mga lingkod mo.

12. Pero dahil sa iyong amang si David hindi ko ito gagawin habang buhay ka pa. Gagawin ko ito sa panahon nang paghahari ng iyong anak.

13. Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanya, magtitira ako ng isang angkan alang-alang sa aking lingkod na si David at dahil sa Jerusalem na aking hinirang na lungsod.”

14. Pinahintulutan ng Panginoon na may kumalaban kay Solomon. Siya ay si Hadad na taga-Edom, na mula sa angkan ng isa sa mga hari ng Edom.

15. Noong una, nang nakipaglaban si David sa Edom, si Joab na kumander ng mga sundalo ni David ay pumunta roon sa Edom para ilibing ang mga namatay sa labanan. At nang naroon na siya, pinatay niya at ng mga tauhan niya ang lahat ng lalaki sa Edom.

16. Anim na buwan silang nanatili roon. Hindi sila umalis hanggang sa mapatay nila ang lahat ng mga lalaki roon.

17. Pero si Hadad, na bata pa noon ay tumakas papunta sa Egipto kasama ng ibang mga opisyal na taga-Edom na naglingkod sa kanyang ama.

18. Umalis sila sa Midian at pumunta sa Paran. At kasama ng ibang mga taga-Paran, pumunta sila sa Egipto at nakipagkita sa Faraon, ang hari ng Egipto. Binigyan ng hari si Hadad ng bahay, lupa at pagkain.

19. Nagustuhan ng Faraon si Hadad, kaya ibinigay niya ang hipag niya kay Hadad para maging asawa nito, kapatid ito ng kanyang asawang si Reyna Tapenes.

20. Kinalaunan, nanganak ng lalaki ang asawa ni Hadad at pinangalanan nila siyang Genubat. Si Tapenes ang nagpalaki sa bata roon sa palasyo. Tumira ang bata roon kasama ng mga anak ng Faraon.

21. Nang naroon na si Hadad sa Egipto, nabalitaan niya na patay na si David at si Joab na kumander ng mga sundalo. Sinabi ni Hadad sa Faraon, “Hayaan nʼyo na po akong umuwi sa aking bansa.”

1 Hari 11