20. Kinalaunan, nanganak ng lalaki ang asawa ni Hadad at pinangalanan nila siyang Genubat. Si Tapenes ang nagpalaki sa bata roon sa palasyo. Tumira ang bata roon kasama ng mga anak ng Faraon.
21. Nang naroon na si Hadad sa Egipto, nabalitaan niya na patay na si David at si Joab na kumander ng mga sundalo. Sinabi ni Hadad sa Faraon, “Hayaan nʼyo na po akong umuwi sa aking bansa.”
22. Nagtanong ang Faraon, “Bakit? Ano pa ba ang kulang sa iyo rito at gusto mo pang umuwi sa inyo?” Sumagot si Hadad, “Wala po; basta pauwiin nʼyo na lang po ako.”
23. May isa pang tao na pinahintulutan ng Dios na kumalaban kay Solomon. Ito ay si Rezon na anak ni Eliada. Lumayas siya sa kanyang amo na si Haring Hadadezer ng Zoba,
24. at naging pinuno siya ng mga rebeldeng tinipon niya. Nang matalo ni David ang mga sundalo ni Hadadezer, pumunta si Rezon at ang mga tauhan niya sa Damascus. Sinakop nila ang lugar na ito at doon tumira.
25. Naging hari si Rezon ng Aram, at kinalaban niya ang Israel. Naging kalaban siya ng Israel habang buhay pa si Solomon. Dinagdagan pa niya ang kaguluhan na ginawa ni Hadad sa Israel.
26. Isa pa sa mga kumalaban kay Solomon ay si Jeroboam na isa sa mga opisyal niya. Galing siya sa lungsod ng Zereda sa Efraim. Ang ama niyang si Nebat ay patay na, pero ang kanyang ina na si Zerua ay buhay pa.
27. Ito ang nangyari kung paano siya nagrebelde sa hari: Pinatabunan noon ni Solomon ng lupa ang mababang bahagi ng bayan ng ama niyang si David at ipinaayos ang mga pader nito.
28. Maabilidad na tao si Jeroboam at nang mapansin ni Solomon ang kanyang kasipagan, itinalaga niya itong tagapamahala ng lahat ng tao na pinilit magtrabaho mula sa lahi ni Efraim at ni Manase.
29. Isang araw, habang palabas si Jeroboam sa Jerusalem, sinalubong siya ni propetang Ahia na taga-Shilo. Bago ang suot na balabal ni Ahia. Silang dalawa lang ang naroon sa kapatagan.
30. Hinubad ni Ahia ang balabal niya at pinunit ito sa 12 bahagi.
31. Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso nito, dahil ganito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Kukunin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay sa iyo ang sampung lahi nito.
32. Ngunit alang-alang kay David na aking lingkod at sa lungsod ng Jerusalem na aking hinirang sa lahat ng lungsod ng Israel, ititira ko ang isang lahi kay Solomon.
33. Gagawin ko ito dahil itinakwil niya ako at sinamba si Ashtoret, ang diyosa ng mga Sidoneo, si Kemosh, ang dios ng mga Moabita at si Molec, ang dios ng mga Ammonita. Hindi siya sumunod sa aking mga pamamaraan at hindi siya namuhay nang matuwid sa aking paningin. Hindi siya tumupad sa aking mga tuntunin at mga utos; hindi tulad ng ama niyang si David.