1 Hari 11:16-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Anim na buwan silang nanatili roon. Hindi sila umalis hanggang sa mapatay nila ang lahat ng mga lalaki roon.

17. Pero si Hadad, na bata pa noon ay tumakas papunta sa Egipto kasama ng ibang mga opisyal na taga-Edom na naglingkod sa kanyang ama.

18. Umalis sila sa Midian at pumunta sa Paran. At kasama ng ibang mga taga-Paran, pumunta sila sa Egipto at nakipagkita sa Faraon, ang hari ng Egipto. Binigyan ng hari si Hadad ng bahay, lupa at pagkain.

19. Nagustuhan ng Faraon si Hadad, kaya ibinigay niya ang hipag niya kay Hadad para maging asawa nito, kapatid ito ng kanyang asawang si Reyna Tapenes.

20. Kinalaunan, nanganak ng lalaki ang asawa ni Hadad at pinangalanan nila siyang Genubat. Si Tapenes ang nagpalaki sa bata roon sa palasyo. Tumira ang bata roon kasama ng mga anak ng Faraon.

21. Nang naroon na si Hadad sa Egipto, nabalitaan niya na patay na si David at si Joab na kumander ng mga sundalo. Sinabi ni Hadad sa Faraon, “Hayaan nʼyo na po akong umuwi sa aking bansa.”

22. Nagtanong ang Faraon, “Bakit? Ano pa ba ang kulang sa iyo rito at gusto mo pang umuwi sa inyo?” Sumagot si Hadad, “Wala po; basta pauwiin nʼyo na lang po ako.”

23. May isa pang tao na pinahintulutan ng Dios na kumalaban kay Solomon. Ito ay si Rezon na anak ni Eliada. Lumayas siya sa kanyang amo na si Haring Hadadezer ng Zoba,

24. at naging pinuno siya ng mga rebeldeng tinipon niya. Nang matalo ni David ang mga sundalo ni Hadadezer, pumunta si Rezon at ang mga tauhan niya sa Damascus. Sinakop nila ang lugar na ito at doon tumira.

25. Naging hari si Rezon ng Aram, at kinalaban niya ang Israel. Naging kalaban siya ng Israel habang buhay pa si Solomon. Dinagdagan pa niya ang kaguluhan na ginawa ni Hadad sa Israel.

26. Isa pa sa mga kumalaban kay Solomon ay si Jeroboam na isa sa mga opisyal niya. Galing siya sa lungsod ng Zereda sa Efraim. Ang ama niyang si Nebat ay patay na, pero ang kanyang ina na si Zerua ay buhay pa.

27. Ito ang nangyari kung paano siya nagrebelde sa hari: Pinatabunan noon ni Solomon ng lupa ang mababang bahagi ng bayan ng ama niyang si David at ipinaayos ang mga pader nito.

1 Hari 11