1. Maraming dayuhang babae ang inibig ni Haring Solomon. Bukod pa sa anak ng Faraon, may mga asawa pa siyang Moabita, Ammonita, Edomita, Sidoneo at Heteo.
2. Sinabi na sa kanya ng Panginoon na ang mga Israelita ay hindi dapat mag-asawa mula sa mga bansang iyondahil mahihimok lang sila ng mga ito na sumamba sa ibang mga dios. Pero umibig pa rin si Solomon sa mga babaeng ito.
3. May 700 asawa si Solomon na puro mga prinsesa, at may 300 pa siyang asawang alipin. Ang mga asawa niya ang nagpalayo sa kanyasa Dios.
4. Nang matanda na siya, nahimok siya ng kanyang mga asawa na sumamba sa ibang mga dios. Hindi na naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ng ama niyang si David.
5. Sumamba siya kay Ashtoret, ang diyosa ng mga Sidoneo at kay Molec, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita.
6. Sa pamamagitan nito, nakagawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi siya sumunod nang buong katapatan sa Panginoon; hindi tulad ng ama niyang si David.
7. Nagpagawa si Solomon ng sambahan sa matataas na lugar, sa bandang silangan ng Jerusalem, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Moabita. Nagpagawa rin siya ng sambahan para kay Molec, ang kasuklam-suklam na dios ng mga Ammonita.