1 Hari 10:10-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na mapapantayan ang dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.

11. (May dala ring mga ginto ang mga barko ni Hiram, maraming kahoy na almug at mga mamahaling bato mula sa Ofir para kay Haring Solomon.

12. Ang mga kahoy na almug ay ginamit ng hari upang gawing hagdan para sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang iba ay ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Iyon ang pinakamagandang kahoy na almug na ipinadala sa Israel; wala nang makikita na kagaya nito hanggang sa ngayon.)

13. Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang anumang hingin niya, bukod pa sa mga regalo na ibinigay ni Solomon sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ang mga tauhan niya.

14. Taun-taon tumatanggap si Solomon ng 23 toneladang ginto,

15. bukod pa rito ang mga buwis na galing sa mga negosyante, sa lahat ng hari ng Arabia at sa mga gobernador ng Israel.

16. Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong kilong ginto.

17. Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan din ng ginto na mga tatlo at kalahating kilo. Pinalagay niya ang lahat ng ito sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.

18. Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante at binalutan ito ng purong ginto.

1 Hari 10