29. Ang ibaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng iba pang mga gamit sa templo gaya ng harina, katas ng ubas, langis, insenso at mga pampalasa.
30. Ngunit katungkulan ng mga pari ang pagtitimpla ng mga pampalasa.
31. Si Matitia na Levita, at panganay na anak ni Shalum na mula sa angkan ni Kora, ang pinagkatiwalaan sa pagluluto ng tinapay para ihandog.
32. Ang ibang angkan ni Kohat ang pinagkatiwalaan sa paghahanda at paglalagay ng mga tinapay sa mesa tuwing Araw ng Pamamahinga.
33. Ang mga musikero sa templo na mga pinuno rin ng mga pamilyang Levita ay doon na rin tumira sa mga silid sa templo. At wala na silang iba pang gawain, dahil ginagawa nila ito araw at gabi.
34. Silang lahat ang pinuno ng mga pamilyang Levita, nailista sila sa talaan ng kanilang lahi. Tumira sila sa Jerusalem.
35. Si Jeyel na ama ni Gibeon ay tumira sa Gibeon. Ang pangalan ng asawa niya ay Maaca.
36. Ang mga anak niyang lalaki mula sa panganay hanggang sa pinakabata ay sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab,
37. Gedor, Ahio, Zacarias at Miklot
38. (na ama ni Shimeam). Tumira sila malapit sa mga kamag-anak nila sa Jerusalem.
39. Si Ner ang ama ni Kish, si Kish ang ama ni Saul, at si Saul ang ama nina Jonatan, Malki Shua, Abinadab at Eshbaal.
40. Ang anak ni Jonatan ay si Merib Baal na ama ni Micas.