17. Ang mga guwardya ng pintuan: sina Shalum, Akub, Talmon, Ahiman, at ang kanilang mga kamag-anak.Si Shalum ang pinuno nila.
18. Hanggang ngayon, sila pa rin ang guwardya ng Pintuan ng Hari sa bandang silangan ng lungsod. Sila noon ang mga guwardya ng pintuang papasok sa kampo ng mga Levita.
19. Si Shalum ay anak ni Kore at apo ni Ebiasaf, na mula sa pamilya ni Kora. Si Shalum at ang kanyang mga kamag-anak na mula sa angkan ni Kora ang pinagkatiwalaan sa pagbabantay ng pintuan ng Tolda katulad ng kanilang mga ninuno na pinagkatiwalaan sa pagbabantay ng pintuan ng bahay ng Panginoon.
20. Si Finehas na anak ni Eleazar ang namamahala noon sa mga guwardya ng pintuan, at sinamahan siya ng Panginoon.
21. Si Zacarias na anak ni Meshelemia ay guwardya rin ng pintuan ng Toldang Tipanan.
22. Ang mga guwardya ng pintuan ay 212 lahat, at itinala sila ayon sa talaan ng mga angkan nila sa kanilang bayan. Ang nagbigay ng tungkulin sa kanilang mga ninuno bilang mga guwardya ng pintuan (dahil maaasahan sila) ay sina David at Propeta Samuel.
23. Sila at ang kanilang mga angkan ang pinagkakatiwalaang magbantay sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon – na tinatawag ding Tolda.
24. Nagbabantay sila sa apat na sulok: sa silangan, kanluran, hilaga at timog.
25. Kung minsan ang mga kamag-anak nilang nakatira sa mga bayan ang pumapalit sa kanila na magbantay sa loob ng pitong araw.
26. Pero ang apat na pinuno ng mga guwardya ng pintuan, na mula sa mga Levita, ang siyang responsable sa mga kwarto at mga bodega ng templo.
27. Nagpupuyat sila sa pagbabantay sa paligid ng templo dahil kailangan nila itong bantayan at sila ang tagabukas ng pinto tuwing umaga.
28. Ang iba sa kanilaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng mga gamit sa pagsamba. Binibilang nila ito bago at pagkatapos gamitin.
29. Ang ibaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng iba pang mga gamit sa templo gaya ng harina, katas ng ubas, langis, insenso at mga pampalasa.
30. Ngunit katungkulan ng mga pari ang pagtitimpla ng mga pampalasa.
31. Si Matitia na Levita, at panganay na anak ni Shalum na mula sa angkan ni Kora, ang pinagkatiwalaan sa pagluluto ng tinapay para ihandog.