8. “Kaya ngayon, inuutusan ko kayo sa harap ng lahat ng Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon, at sa presensya ng ating Dios, na maingat nʼyong sundin ang lahat ng utos ng Panginoon na inyong Dios. Kung gagawin nʼyo ito, patuloy na kayo ang magmamay-ari ng magandang lupaing ito, at ipamamana ninyo ito sa inyong mga angkan magpakailanman.
9. “At ikaw, Solomon na anak ko, kilalanin mo at paglingkuran ang Dios ng iyong ama nang buong puso mo at isip, dahil nakikita ng Panginoon ang bawat puso ng tao at nalalaman niya ang ating layunin at pag-iisip. Kung dudulog ka sa kanya, tutulungan ka niya, pero kung tatalikod ka sa kanya, itatakwil ka niya magpakailanman.
10. Kaya pag-isipan mo itong mabuti. Pinili ka ng Panginoon para ipatayo ang templo para roon siya sambahin. Magpakatatag ka, at gawin mo ang gawaing ito.”
11. Pagkatapos, ibinigay ni David kay Solomon ang lahat ng plano sa pagpapatayo ng templo at ng mga balkonahe nito, mga gusali, mga bodega, mga silid sa itaas, mga silid sa loob, at ang Pinakabanal na Lugar na kung saan pinapatawad ang mga kasalanan ng mga tao.
12. Ibinigay niya ang lahat ng plano na itinuro sa kanya ng Espiritu para sa pagpapatayo ng mga bakuran ng templo ng Panginoon, sa lahat ng silid sa paligid nito, sa mga bodega ng templo ng Dios, kasama na ang mga bodega para sa mga bagay na inihandog.
13. Tinuruan din niya si Solomon kung paano igugrupo ang mga pari at mga Levita, at ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, ganoon din ang lahat ng mga gagamitin sa paglilingkod.
14. Itinuro rin niya kung gaano karaming pilak at ginto ang gagamitin sa paggawa ng mga gamit na ito:
15. sa mga ilawang ginto at mga lagayan nito; sa mga ilawang pilak at mga lagayan nito;
16. sa mga mesang ginto kung saan ilalagay ang tinapay na inihahandog sa Dios; sa mesang pilak;
17. sa mga malaking gintong tinidor; sa mga mangkok at mga pitsel; sa mga platong ginto at pilak;
18. at sa gintong altar na pagsusunugan ng insenso. Tinuruan din ni David si Solomon kung paano gawin ang gintong kerubin na nakalukob ang mga pakpak sa itaas ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon.
19. Sinabi ni Haring David, “Ang mga planong ito ay isinulat ayon sa gabay ng Panginoon, at tinuruan niya ako kung paano gawin ang lahat ng ito.”
20. Sinabi rin ni David sa anak niyang si Solomon, “Magpakatatag ka at magpakatapang. Simulan mo na ang pagpapagawa. Huwag kang matakot o manlupaypay, dahil ang Panginoong Dios, ang aking Dios ay kasama mo. Hindi ka niya iiwan o pababayaan hanggang sa matapos ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon.
21. Nakahanda na ang grupo ng mga pari at mga Levita para sa lahat ng gawain sa templo ng Dios, at may mga tao rin na may kakayahang gumawa ng anumang gawain na handang tumulong sa iyo. Ang mga opisyal at ang lahat ng tao ay handang sumunod sa iyo.”