1 Cronica 28:12-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Ibinigay niya ang lahat ng plano na itinuro sa kanya ng Espiritu para sa pagpapatayo ng mga bakuran ng templo ng Panginoon, sa lahat ng silid sa paligid nito, sa mga bodega ng templo ng Dios, kasama na ang mga bodega para sa mga bagay na inihandog.

13. Tinuruan din niya si Solomon kung paano igugrupo ang mga pari at mga Levita, at ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, ganoon din ang lahat ng mga gagamitin sa paglilingkod.

14. Itinuro rin niya kung gaano karaming pilak at ginto ang gagamitin sa paggawa ng mga gamit na ito:

15. sa mga ilawang ginto at mga lagayan nito; sa mga ilawang pilak at mga lagayan nito;

16. sa mga mesang ginto kung saan ilalagay ang tinapay na inihahandog sa Dios; sa mesang pilak;

17. sa mga malaking gintong tinidor; sa mga mangkok at mga pitsel; sa mga platong ginto at pilak;

18. at sa gintong altar na pagsusunugan ng insenso. Tinuruan din ni David si Solomon kung paano gawin ang gintong kerubin na nakalukob ang mga pakpak sa itaas ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon.

19. Sinabi ni Haring David, “Ang mga planong ito ay isinulat ayon sa gabay ng Panginoon, at tinuruan niya ako kung paano gawin ang lahat ng ito.”

20. Sinabi rin ni David sa anak niyang si Solomon, “Magpakatatag ka at magpakatapang. Simulan mo na ang pagpapagawa. Huwag kang matakot o manlupaypay, dahil ang Panginoong Dios, ang aking Dios ay kasama mo. Hindi ka niya iiwan o pababayaan hanggang sa matapos ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon.

1 Cronica 28