1 Cronica 17:2-20 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Sumagot si Natan kay David, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.”

3. Pero nang gabing iyon sinabi ng Dios kay Natan,

4. “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko: ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo na aking titirhan.

5. Hindi pa ako nakakatira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto hanggang ngayon. Palipat-lipat ang tinitirhan kong tolda.

6. Sa aking paglipat-lipat kasama ng mga mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinunong inutusan kong mag-alaga sa kanila, kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templong gawa sa kahoy na sedro.’

7. “Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita.

8. Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo.

9. Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati,

10. mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Tatalunin ko rin ang lahat ng kalaban mo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na patuloy na manggagaling sa iyong angkan ang magiging hari ng Israel.

11. Kapag namatay ka na at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatagin ko ang kaharian niya.

12. Siya ang magpapatayo ng templo para sa akin, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.

13. Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Mananatili ang pag-ibig ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mong hari.

14. Pamamahalain ko siya sa aking mga mamamayan at kaharian, at ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.’ ”

15. Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.

16. Pagkatapos, pumasok si Haring David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon at nanalangin, “Panginoong Dios, sino po ba ako at ang sambahayan ko para pagpalain nʼyo nang ganito?

17. Ngayon, O Dios, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng sambahayan ko. Itinuring nʼyo ako na parang pinakadakilang tao. O Panginoong Dios,

18. ano pa po ba ang masasabi ko sa pagpaparangal ninyo sa akin? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod.

19. O Panginoon, dahil po sa akin na inyong lingkod at ayon na rin sa inyong kalooban, ginawa nʼyo ang mga dakilang bagay na ito at inihayag ito sa akin.

20. Panginoon, wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo.

1 Cronica 17