1 Cronica 12:7-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. sina Joela at Zebadia na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.

8. May mga tao ring mula sa lahi ni Gad ang sumama kay David doon sa matatag na kuta na pinagtataguan niya sa ilang. Matatapang silang sundalo at mahuhusay gumamit ng mga pananggalang at sibat. Kasintapang sila ng mga leon, at kasimbilis ng usa sa kabundukan:

9. si Ezer ang pinuno nila,si Obadias ang pangalawa,si Eliab ang pangatlo,

10. si Mishmana ang pang-apat,si Jeremias ang panglima,

11. si Atai ang pang-anim,si Eliel ang pampito,

12. si Johanan ang pangwalo,si Elzabad ang pangsiyam,

13. si Jeremias ang pangsampu,at si Macbanai ang pang-11.

14. Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng 100 sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng 1,000 sundalo.

15. Tinawid nila ang Ilog ng Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.

16. May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya.

17. Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”

18. Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.

1 Cronica 12