1 Cronica 12:29-40 Ang Salita ng Dios (ASND)

29. Mula sa lahi ni Benjamin na mga kamag-anak ni Saul: 3,000 sundalo. Karamihan sa lahi ni Benjamin ay nanatiling tapat kay Saul.

30. Mula sa lahi ni Efraim: 20,800 matatapang na sundalo at tanyag sa pamilya nila.

31. Mula sa kalahating lahi ni Manase: 18,000 sundalo. Ipinadala sila para tumulong sa pagluklok kay David na maging hari.

32. Mula sa lahi ni Isacar: 200 pinuno kasama ang mga kamag-anak na pinamamahalaan nila. Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel at kung kailan ito gagawin.

33. Mula sa lahi ni Zebulun: 50,000 mahuhusay na sundalo na armado ng ibaʼt ibang armas. Handang-handa silang tumulong at mamatay para kay David.

34. Mula sa lahi ni Naftali: 1,000 opisyal at 37,000 sundalo na may dalang mga pananggalang at sibat.

35. Mula sa lahi ni Dan: 28,600 sundalo na handa sa labanan.

36. Mula sa lahi ni Asher: 40,000 mahuhusay na sundalo na handa sa labanan.

37. At mula sa lahi sa silangan ng Ilog ng Jordan, ang lahi ni Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase: 120,000 sundalo na armado ng ibaʼt ibang uri ng armas.

38. Silang lahat ang sundalo na nagprisinta sa pakikipaglaban. Pumunta sila sa Hebron at nagkaisa silang gawing hari si David sa buong Israel. Sa katunayan, halos lahat ng Israelita ay gustong maging hari si David.

39. Nanatili sila roon ng tatlong araw kasama si David na nagsisikain at nag-iinuman dahil pinadalhan sila ng mga kababayan nila ng pagkain.

40. Nagdala rin ng pagkain ang mga kamag-anak nilang mula pa sa malayong lugar ng Isacar, Zebulun at Naftali. Ikinarga nila ito sa mga asno, kamelyo, mola at baka. Marami ang kanilang harina, igos, mga pinatuyong pasas, katas ng ubas at langis, baka at tupa. Masayang-masaya ang lahat sa Israel.

1 Cronica 12