1 Cronica 12:20-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

20. Ito ang mga tao na mula sa lahi ni Manase na sumama kay David sa Ziklag: sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Elihu at Ziletai. Bawat isa sa kanilaʼy pinuno ng 1,000 sundalo sa lahi ni Manase.

21. Tumulong sila kay David sa pakikipaglaban sa mga lumulusob sa kanila, dahil matatapang silang mga mandirigma. Kaya nga naging pinuno sila ng mga sundalo ni David.

22. Sa bawat araw, may mga tao na pumupunta kay David para tumulong, hanggang sa dumami at naging matibay ang kanyang mga sundalo.

23-24. Ito ang bilang ng mga armadong sundalo na pumunta kay David sa Hebron upang tumulong sa kanya na maagaw ang kaharian ni Saul, ayon sa ipinangako ng Panginoon:Mula sa lahi ni Juda: 6,800 sundalo na may mga dalang sibat at pana.

25. Mula sa lahi ni Simeon: 7,100 mahuhusay na sundalo.

26. Mula sa lahi ni Levi: 4,600 sundalo,

27. kabilang na si Jehoyada na pinuno ng pamilya ni Aaron at ang kanyang 3,700 tauhan,

28. at si Zadok na isang matapang at kabataang mandirigma at ang 22 opisyal mula sa kanyang pamilya.

29. Mula sa lahi ni Benjamin na mga kamag-anak ni Saul: 3,000 sundalo. Karamihan sa lahi ni Benjamin ay nanatiling tapat kay Saul.

30. Mula sa lahi ni Efraim: 20,800 matatapang na sundalo at tanyag sa pamilya nila.

31. Mula sa kalahating lahi ni Manase: 18,000 sundalo. Ipinadala sila para tumulong sa pagluklok kay David na maging hari.

32. Mula sa lahi ni Isacar: 200 pinuno kasama ang mga kamag-anak na pinamamahalaan nila. Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel at kung kailan ito gagawin.

33. Mula sa lahi ni Zebulun: 50,000 mahuhusay na sundalo na armado ng ibaʼt ibang armas. Handang-handa silang tumulong at mamatay para kay David.

1 Cronica 12