13. At kung ang isang babae naman ay may asawang hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang lalaki.
14. Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay tinatanggap ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa, at ang babaeng hindi mananampalataya ay tinatanggap din ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa. Dahil kung hindi, maging ang mga anak nila ay hindi tatanggapin ng Dios. Ngunit ang totoo, tinatanggap din sila ng Dios.
15. Ngunit kung gustong humiwalay ng asawang hindi mananampalataya, hayaan siyang humiwalay. Sa ganitong pangyayari ay wala nang pananagutan ang mananampalatayang asawa, dahil tinawag tayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa.
16. Kung sabagay, hindi naman kayo nakasisiguro kung ang inyong pagsasama ay magiging kasangkapan ng Dios para maligtas ang inyong asawa.
17. Ang bawat isa sa inyo ay dapat mamuhay ayon sa kalagayan na ibinigay ng Panginoon sa kanya. Dapat manatili siya sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng iglesya.
18. Halimbawa, kung ang isang lalaki ay tuli nang siyaʼy tawagin ng Dios, hindi na niya dapat baguhin ang kanyang kalagayan. At kung hindi pa siya tuli nang siyaʼy tawagin, hindi na niya kailangang magpatuli pa.
19. Sapagkat hindi mahalaga kung tuli ang isang lalaki o hindi. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Dios.
20. Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios.
21. Ikaw baʼy isang alipin nang tawagin ng Dios? Hindi na bale, ngunit kung may magagawa ka naman para maging malaya, samantalahin mo ito.
22. Sapagkat ang alipin nang tawagin siya ng Panginoon ay malaya na sa harap ng Panginoon. Ang tao namang malaya nang tawagin siya ay alipin na ngayon ni Cristo.
23. Binili kayo ng Dios sa malaking halaga, kaya huwag kayong basta magpaalipin sa tao.
24. Kaya nga mga kapatid, mamuhay ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang kalagayan nang tawagin siya ng Dios.