10. Dahil sa pangangaral namin tungkol kay Cristo, itinuturing kaming mga hangal. Ngunit kayo naman ay nag-aakalang marurunong dahil nakay Cristo kayo. Kami ay mahihina, at sa palagay ninyo ay malalakas kayo. Iginagalang kayo ng mga tao, habang kami naman ay hinahamak.
11. Maging sa oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, hindi makapanamit nang maayos, pinagmamalupitan, at walang matuluyan.
12. Nagtatrabaho kami nang husto upang mabuhay. Kung nilalait kami ng mga tao, pinagpapala namin sila. Kung kami ay inuusig, tinitiis na lang namin ito.
13. Kung kami ay sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, itinuturing kaming mga basura sa mundo.
14. Hindi ko sinusulat ang mga ito upang ipahiya kayo, kundi upang paalalahanan kayo bilang mga minamahal kong mga anak.
15. Sapagkat kahit marami ang nag-aalaga sa inyong pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama sa pananampalataya. At ako ang inyong ama, dahil naging anak ko kayo sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo.
16. Kaya nakikiusap ako na tularan ninyo ako sa aking pamumuhay.
17. At dahil nga rito, pinapapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang tungkol sa pamumuhay ko kay Cristo Jesus, na siya ring itinuturo ko sa lahat ng iglesya saan mang lugar.
18. Ang ilan sa inyo ay nagmamataas na dahil akala nilaʼy hindi na ako pupunta riyan.
19. Ngunit kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon. At titingnan ko kung ano ang magagawa ng mga tao riyan na mayayabang magsalita.
20. Sapagkat malalaman natin kung ang isang tao ay pinaghaharian ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at hindi sa salita lamang.
21. Ngayon, ano ang gusto ninyo: darating ako nang galit sa inyo, o darating nang mahinahon at may pag-ibig?