11. dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Jesu-Cristo.
12. May magtatayo sa pundasyong ito na gagamit ng mabuting klase ng mga materyales gaya ng ginto, pilak at mamahaling bato. Mayroon namang gagamit lamang ng kahoy, tuyong damo at dayami.
13. Ngunit sa Araw ng Paghuhukom, makikita ang kalidad ng itinayo ng bawat isa dahil susubukin ito sa apoy.
14. Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo.
15. Ngunit kung ito namaʼy masunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit tulad lamang ng isang taong nakaligtas sa sunog na walang nailigtas na kagamitan.
16. Hindi nʼyo ba alam na kayoʼy templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay naninirahan sa inyo?
17. Ang sinumang wawasak sa templo ng Dios ay parurusahan niya, dahil banal ang templo ng Dios. At ang templong iyon ay walang iba kundi kayo.
18. Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung mayroon man sa inyong nag-aakala na siyaʼy marunong ayon sa karunungan ng mundo, kinakailangang tigilan na niya ang ganyang pag-iisip upang maging marunong siya sa paningin ng Dios.
19. Sapagkat ang karunungan ng mundo ay kamangmangan lamang sa paningin ng Dios. Ayon nga sa Kasulatan, “Hinuhuli ng Dios ang marurunong sa kanilang katusuhan,”
20. at “Alam ng Dios na ang mga pangangatwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”