1 Corinto 16:9-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.

10. Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon.

11. Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.

12. Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.

13. Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay.

14. At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.

15. Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid,

16. na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.

17. Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa.

18. Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.

19. Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon.

20. At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.

21. Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.

1 Corinto 16