1 Corinto 15:41-47 Ang Salita ng Dios (ASND)

41. Iba ang ningning ng araw sa ningning ng buwan, at iba rin naman ang ningning ng mga bituin. At kahit ang mga bituin ay may ibaʼt ibang ningning.

42. Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, hindi na ito mabubulok kailanman.

43. Ang katawang inilibing ay pangit at mahina, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy maganda na at malakas.

44. Ang katawang inilibing ay panlupa, ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy panlangit na. Sapagkat kung mayroong katawang panlupa ay mayroon din namang katawang panlangit.

45. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang unang tao na si Adan ay binigyan ng buhay.” Ngunit ang huling Adan na si Cristo ay espiritung nagbibigay-buhay.

46. Hindi ang panlangit na katawan ang nauna kundi ang panlupa, at pagkatapos noon ay ang panlangit naman.

47. Ang unang tao na si Adan ay mula sa lupa, ngunit ang pangalawang tao na si Cristo ay mula sa langit.

1 Corinto 15