31. Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito.
32. Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
33. Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.”
34. Magpakatino kayo at talikuran nʼyo na ang kasalanan. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo sa inyong sarili, dahil may ilan sa inyo na mali ang pagkakakilala sa Dios.
35. Maaaring may magtanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Anong uri ng katawan ang matatanggap nila?”
36. Ito ang sagot ko sa taong iyan na walang nalalaman: Ang inihahasik na binhi ay hindi mabubuhay hanggaʼt hindi ito namamatay.
37. At kahit anong binhi ang itanim mo, trigo man o ibang binhi, magiging iba ang anyo nito kapag tumubo na.
38. Ang Dios ang nagbibigay anyo sa binhing iyon, ayon sa kanyang kalooban. At ang bawat binhi ay may kanya-kanyang anyo kapag tumubo na.
39. Ganoon din sa katawan; hindi lahat ng katawan ay pare-pareho. Iba ang katawan ng tao, ng hayop, ng ibon at ng isda.