21. Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay.
22. Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay.
23. Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo.
24. At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama.
25. Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway.
26. At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan.
27. Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo. Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.
28. At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.
29. May mga taong nagpapabautismo para sa mga namatay. Ano ang halaga ng ginagawa nila kung hindi naman muling mabubuhay ang mga patay?
30. At bakit pa namin inilalagay ang aming mga sarili sa panganib oras-oras?
31. Araw-araw akong nasa bingit ng kamatayan, mga kapatid! At kung paanong totoo na ipinagmamalaki ko kayo sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus na ating Panginoon, totoo rin ang sinasabi kong ito.
32. Nahihirapan ako dito sa Efeso, dahil ang mga kumakalaban sa akin ay tulad ng mababangis na hayop. Kung ang paghihirap kong itoʼy para lang sa kapakanan ng tao sa buhay na ito, ano ang kabuluhan nito? Kung totoong hindi na mabubuhay ang mga patay, mabuti pang sundin na lang natin ang kasabihang, “Kumain tayoʼt uminom, dahil baka bukas, mamamatay na tayo.”
33. Huwag kayong palilinlang sa kasabihang iyan. Sa halip, ito ang inyong paniwalaan: “Ang masasamang kasamaʼy nakakasira ng mabuting ugali.”