1 Corinto 14:14-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Kung nananalangin ako sa ibang wika na hindi ko natutunan, nananalangin nga ang aking espiritu, ngunit hindi naman naiintindihan ng aking isipan.

15. Kung ganoon, ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako at aawit sa pamamagitan ng aking espiritu kahit hindi ko ito naiintindihan, at mananalangin din ako at aawit sa paraang naiintindihan ng aking isipan.

16. Kung magpapasalamat ka sa Dios sa pamamagitan ng iyong espiritu lamang, at hindi ito maintindihan, paanong makakasagot ng “Amen” ang iba kung hindi naman nila naiintindihan ang iyong sinasabi?

17. Kahit maayos ang pagpapasalamat mo sa Dios, kung hindi naman naiintindihan ng iba, hindi ka rin makakapagpatatag sa kanila.

18. Nagpapasalamat ako sa Dios na nakapagsasalita ako sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ng higit pa sa inyong lahat.

19. Ngunit sa pagtitipon ng mga mananampalataya, mas makakabuti pa ang magsalita ako ng limang kataga na naiintindihan upang maturuan ko sila, kaysa sa magsalita ako ng libu-libong kataga sa wikang wala namang nakakaintindi.

20. Mga kapatid, kung tungkol sa mga bagay na ito, huwag kayong mag-isip-bata. Kung sa masasamang bagay, maging tulad kayo ng mga batang walang malay sa kasamaan. Ngunit sa pang-unawa, mag-isip matanda kayo.

21. Sinasabi ng Panginoon sa Kasulatan,“Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibaʼt ibang wika at sa pamamagitan ng mga dayuhan,ngunit hindi pa rin sila makikinig sa akin.”

22. Kaya ang pagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi natutunan ay isang tanda, hindi para sa mga mananampalataya, kundi para sa mga hindi mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios ay para sa mga mananampalataya, hindi sa mga di-mananampalataya.

23. Kung nagtitipon kayong mga mananampalataya at lahat kayoʼy nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi ninyo natutunan, at may dumating na mga di-mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, hindi ba nila aakalaing nasisiraan kayo ng bait?

24. Ngunit kung lahat kayoʼy nagpapahayag ng mensahe ng Dios at may dumating na hindi mananampalataya na hindi alam ang inyong ginagawa, makikilala niyang makasalanan siya, at malalaman niya ang tunay niyang kalagayan.

25. Maging ang mga lihim ng kanyang puso ay maihahayag, at dahil dito, siyaʼy magpapatirapa sa pagsisisi at sasamba sa Dios, at masasabi niyang ang Dios ay talagang nasa piling ninyo.

26. Kaya mga kapatid, ito ang nararapat ninyong gawin sa inyong pagtitipon: ang ibaʼy aawit, ang ibaʼy magtuturo, ang ibaʼy magpapahayag ng mensahe ng Dios, at ang ibaʼy magsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at ang iba namaʼy magpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga sinasabi sa mga wikang iyon. At ang lahat ng inyong gagawin sa inyong pagtitipon ay gawin ninyo sa ikatitibay ng iglesya.

27. Kung may magsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, kailangang dalawa lamang o tatlo, at huwag sabay-sabay, at dapat may magpapaliwanag sa kanilang sinasabi.

28. Ngunit kung walang magpapaliwanag, mas mabuti pang tumahimik na lamang sila sa loob ng iglesya at makipag-usap na lang sa Dios nang sarilinan.

29. Kung mayroon sa inyo ang pinagkalooban ng mensahe ng Dios, hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa kanila. Ang iba namaʼy dapat makinig at unawaing mabuti kung tama o mali ang kanilang sinasabi.

1 Corinto 14