1 Corinto 12:14-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Ang katawan ay binubuo ng maraming parte at hindi ng isang parte lamang.

15. Kaya kung sabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako parte ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan.

16. At kung sabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako parte ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan.

17. Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lang tainga, paano ito makakaamoy?

18. Ngunit nilikha ng Dios ang ating katawan na may ibaʼt ibang parte ayon sa kanyang nais.

19. Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang parte, matatawag pa ba itong katawan?

20. Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisang katawan lamang ito.

21. Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.”

22. Ang totoo, ang mga parte ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan.

1 Corinto 12