1 Corinto 11:8-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Sapagkat hindi naman nilikha ang lalaki mula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki.

9. At hindi naman nilikha ang lalaki para sa babae, kundi ang babae para sa lalaki.

10. Kaya dapat magtakip ng ulo ang babae upang makita, maging ng mga anghel, na nagpapasakop siya sa kanyang asawa.

11. Ngunit dapat ninyong tandaan na sa buhay natin sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki, at kailangan din ng lalaki ang babae.

12. Dahil kung nagmula ang unang babae sa lalaki, ang lalaki naman ay ipinapanganak ng babae; at ang lahat naman ay nagmumula sa Dios.

13. Kayo na rin ang magpasya: Kaaya-aya ba na makita ang isang babae na nananalangin nang walang takip sa ulo?

14. Natural sa isang lalaki na maiksi ang buhok, dahil kahiya-hiya kung mahaba ito.

15. Ngunit karangalan ng babae ang pagkakaroon ng mahabang buhok. Sapagkat ipinagkaloob sa kanya ng Dios ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo.

16. Kung mayroon mang gustong makipagtalo tungkol dito, wala na akong masasabi dahil ito ang aming nakaugalian, at ito ang sinusunod ng mga iglesya ng Dios sa kahit saang lugar.

17. Tungkol sa bagay na tatalakayin ko ngayon ay hindi ko kayo mapupuri, dahil ang mga pagtitipon ninyo ay nakakasama sa halip na nakakabuti.

18. Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon-tipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at medyo naniniwala ako na iyan nga ang nangyayari.

19. Kinakailangan sigurong mangyari iyan para malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya.

20. Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan, hindi tama ang ginagawa ninyo,

21. dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom.

22. Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!

23. Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing traydurin ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay,

24. at pagkatapos niyang magpasalamat sa Dios, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”

25. Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin. Kinuha niya ito at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.”

1 Corinto 11