1 Corinto 10:15-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko.

16. Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo?

17. Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.

18. Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar.

19. Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila?

20. Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu.

21. Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu.

22. Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?

23. Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong.

24. Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.

25. Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya.

26. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”

27. Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya.

28. Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya.

29. Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa. Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba?

30. Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?”

1 Corinto 10