1 Corinto 1:14-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Salamat sa Dios at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispus at Gaius.

15. Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko.

16. (Binautismuhan ko rin pala si Stefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.)

17. Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.

18. Ang mensahe ng pagkamatay ni Cristo sa krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, itoʼy kapangyarihan ng Dios.

19. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at ipapawalang-saysay ko ang katalinuhan ng matatalino.”

20. Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Dios na ang karunungan ng mundo ay kamangmangan?

21. Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang.

22. Ang mga Judio ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griego naman ay humahanap ng sinasabi nilang karunungan.

23. Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Cristo na ipinako sa krus – bagay na hindi matanggap ng mga Judio, at isang kamangmangan para sa mga hindi Judio.

1 Corinto 1