1. Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan sa kapanahunan ng huling ulan, sa Panginoon na nagpapakidlat; at kaniyang bibigyan sila ng ulan, at ang bawa't isa'y ng damo sa parang.
2. Sapagka't ang mga teraf ay nagsalita ng walang kabuluhan, at ang mga manghuhula ay nangakakita ng isang kabulaanan; at sila'y nangagsaysay ng mga kabulaanang panaginip, sila'y nagsisialiw ng walang kabuluhan: kaya't sila'y nagsisiyaon ng kanilang lakad na parang mga tupa, sila'y nadadalamhati, sapagka't walang pastor.
3. Ang aking galit ay nagalab laban sa mga pastor, at aking parurusahan ang mga lalaking kambing; sapagka't dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kaniyang kawan na sangbahayan ni Juda, at kaniyang gagawin silang parang magilas na kabayo sa pagbabaka.
4. Sa kaniya lalabas ang batong panulok, sa kaniya ang pako, sa kaniya ang busog na pangbaka, sa kaniya ang bawa't pinuno na magkakasama.
5. At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalake, na yayapakan nila ang kanilang mga kaaway sa putik sa mga lansangan sa pagbabaka; at sila'y magsisilaban, sapagka't ang Panginoon ay sumasakanila; at ang mga mangangabayo ay mangatutulig.
6. At aking palalakasin ang sangbahayan ni Juda, at aking ililigtas ang sangbahayan ni Jose, at aking ibabalik sila uli; sapagka't ako'y naawa sa kanila; at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil: sapagka't ako ang Panginoon nilang Dios, at aking didinggin sila.
7. At ang mga sa Ephraim ay magiging parang makapangyarihang lalake, at ang kanilang puso ay mangagagalak na gaya ng sa alak; oo, ito'y makikita ng kanilang mga anak, at mangagagalak: ang kanilang puso ay masasayahan sa Panginoon.