1. Kayo'y magpipisan, oo, magpipisan, Oh bansang walang kahihiyan;
2. Bago ang pasiya'y lumabas, bago dumaang parang dayami ang kaarawan, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng Panginoon, bago dumating sa inyo ang kaarawan ng galit ng Panginoon.
3. Hanapin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na maamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa kaniyang kahatulan; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan: kaypala ay malilingid kayo sa kaarawan ng galit ng Panginoon.
4. Sapagka't ang Gaza ay pababayaan, at ang Ascalon ay sa kasiraan; kanilang palalayasin ang Asdod sa katanghaliang tapat, at ang Ecron ay mabubunot.
5. Sa aba ng mga nananahanan sa baybayin ng dagat, bansa ng mga Chereteo! Ang salita ng Panginoon ay laban sa iyo, Oh Canaan, na lupain ng mga Filisteo; aking gigibain ka, upang mawalan ng mga mananahan.
6. At ang baybayin ng dagat ay magiging pastulan, na may mga dampa para sa mga pastor, at mga kulungan para sa mga kawan.
7. At ang baybayin ay mapapasa nalabi sa sangbahayan ni Juda; sila'y mangagpapastol ng kanilang mga kawan doon; sa mga bahay sa Ascalon ay mangahihiga sila sa gabi; sapagka't dadalawin sila ng Panginoon nilang Dios, at ibabalik sila na mula sa kanilang pagkabihag.