12. Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso; sapagka't pagkasubok sa kaniya, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya.
13. Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso, Ako'y tinutukso ng Dios; sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man:
14. Kundi ang bawa't tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat.
15. Kung magkagayo'y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan.
16. Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
17. Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.
18. Sa kaniyang sariling kalooban ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang.
19. Nalalaman ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig, magmakupad sa pananalita, magmakupad sa pagkagalit;
20. Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios.
21. Kaya't ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa.
22. Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili.
23. Sapagka't kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin: