6. At ang lingkod na katiwala sa mga mangaani ay sumagot at nagsabi, Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Noemi na mula sa lupain ng Moab:
7. At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyong pamulutin mo ako, at papagtipunin sa likuran ng mga mangaani sa gitna ng mga bigkis. Sa gayo'y naparoon siya at nagpatuloy, sa makatuwid baga'y mula sa umaga hanggang ngayon, liban sa siya'y nagpahingang sangdali sa bahay.
8. Nang magkagayo'y sinabi ni Booz kay Ruth, Di mo ba naririnig, anak ko? Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o lumagpas man dito, kundi manahan ka ritong malapit sa piling ng aking mga alilang babae.
9. Itanaw mo ang iyong mga mata sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila; di ba ibinilin ko sa mga bataan na huwag ka nilang gagalawin? At pagka ikaw ay nauuhaw, pumaroon ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga bataan.
10. Nang magkagayo'y nagpatirapa siya at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kaniya, Bakit ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin na nilingap mo ako, dangang ako'y taga ibang lupa?
11. At si Booz ay sumagot at nagsabi sa kaniya, Ipinatalastas sa akin ang buong iyong ginawa sa iyong biyanan mula sa pagkamatay ng iyong asawa: at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang pinanganakan sa iyo, at ikaw ay naparito sa bayan na hindi mo nakilala nang una.
12. Gantihin nawa ng Panginoon ang iyong gawa, at bigyan ka nawa ng lubos na ganting pala ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa ilalim ng mga pakpak niyaong iyong kakanlungan.
13. Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Makasumpong nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagka't ako'y iyong inaliw, at sapagka't may kagandahang loob na pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi gaya ng isa sa iyong mga alila.
14. At sa pagkain ay sinabi ni Booz sa kaniya, Parito ka, at kumain ka ng tinapay, at basain mo ang iyong subo sa suka. At siya'y umupo sa siping ng mga mangaani: at iniabot niya sa kaniya, ang sinangag na trigo, at siya'y kumain, at nabusog, at lumabis.
15. At nang siya'y tumindig upang mamulot, ay iniutos ni Booz sa kaniyang mga bataan, na sinasabi, Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang hiyain.
16. At ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo at pamulutin niya, at huwag ninyong hiyain siya.
17. Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw; at kaniyang hinampas yaong kaniyang napamulot, at may isang epa ng sebada.
18. At kaniyang dinala at pumasok sa bayan: at nakita ng kaniyang biyanan ang kaniyang napamulot: at kaniyang inilabas at ibinigay sa kaniya ang lumabis sa kaniya pagkatapos na siya'y nabusog.