Nehemias 9:5-20 Ang Biblia (TLAB)

5. Nang magkagayo'y ang mga Levita; si Jesua at si Cadmiel, si Bani, at si Hosabnias, si Serebias, si Odaias, si Sebanias, at si Pethaia, ay nagsipagsabi, Kayo'y magsitayo at magsipuri sa Panginoon ninyong Dios na mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan: at purihin ang iyong maluwalhating pangalan, na nataas ng higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.

6. Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang; ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na nangaroon, ng mga dagat at ng lahat na nangaroon, at iyong pinamalaging lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.

7. Ikaw ang Panginoon na Dios, na siyang pumili kay Abram, at naglabas sa kaniya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham.

8. At nasumpungan mo ang kaniyang puso na tapat sa harap mo, at nakipagtipan ka sa kaniya, upang ibigay ang lupain ng Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Jebuseo, at ng Gergeseo, upang ibigay sa kaniyang binhi, at tumupad ng iyong mga salita; sapagka't ikaw ay matuwid.

9. At iyong nakita ang kadalamhatian ng aming mga magulang sa Egipto, at iyong dininig ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Mapula:

10. At nagpakita ka ng mga tanda at mga kababalaghan kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod, at sa buong bayan ng kaniyang lupain; sapagka't iyong nakilala na sila'y nagsigawa na may kapalaluan laban sa kanila; at ipinagimbot mo ikaw ng pangalan gaya sa araw na ito.

11. At iyong hinawi ang dagat sa harap nila na anopa't sila'y nagsidaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; at ang mga manghahabol sa kanila ay iyong ibinulusok sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.

12. Bukod dito'y iyong pinatnubayan sila sa isang tila haliging ulap sa araw; at sa isang tila haliging apoy sa gabi, upang bigyan sila ng tanglaw sa daan na kanilang lalakaran.

13. Ikaw rin naman ay bumaba sa bundok ng Sinai, at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na kahatulan at mga tunay na kautusan, mga mabuting palatuntunan at mga utos:

14. At ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na sabbath, at nagutos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga palatuntunan, at ng kautusan, sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod:

15. At nagbigay ka sa kanila ng tinapay na mula sa langit sa kanilang pagkagutom, at nilabasan mo sila ng tubig na mula sa malaking bato sa kanilang pagkauhaw, at inutusan mo sila na magsipasok na ariin ang lupain na iyong isinumpa upang ibigay sa kanila.

16. Nguni't sila at ang aming mga magulang ay nagsigawa na may kapalaluan, at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi dininig ang iyong mga utos.

17. At nagsitanggi na magsisunod, ni hindi man inalaala ang iyong mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi nagpatigas ng kanilang leeg, at sa kanilang panghihimagsik ay naghalal ng isang punong kawal upang magsibalik sa kanilang pagkabihag. Nguni't ikaw ay Dios na madaling magpatawad, mapagbiyaya at puspos ng kaawaan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kahabagan, at hindi mo pinabayaan sila.

18. Oo, nang sila'y magsigawa sa kanila ng isang guyang binubo, at magsabi, Ito ay iyong Dios na nagahon sa iyo mula sa Egipto, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi;

19. Gayon ma'y ikaw sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo pinabayaan sila sa ilang: ang tila haliging ulap ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, upang patnubayan sila sa daan; ni ang tila haliging apoy man sa gabi, upang pagpakitaan sila ng liwanag at ng daan na kanilang lalakaran.

20. Iyo rin namang ibinigay ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo inaalis ang iyong mana sa kanilang bibig, at bigyan mo sila ng tubig sa kanilang pagkauhaw.

Nehemias 9