19. Gayon ma'y ikaw sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo pinabayaan sila sa ilang: ang tila haliging ulap ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, upang patnubayan sila sa daan; ni ang tila haliging apoy man sa gabi, upang pagpakitaan sila ng liwanag at ng daan na kanilang lalakaran.
20. Iyo rin namang ibinigay ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo inaalis ang iyong mana sa kanilang bibig, at bigyan mo sila ng tubig sa kanilang pagkauhaw.
21. Oo apat na pung taon na iyong kinandili sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anoman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.
22. Bukod dito'y binigyan mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong binahagi ayon sa kanilang mga bahagi: sa gayo'y kanilang inari ang lupain ng Sehon, sa makatuwid baga'y ang lupain ng hari sa Hesbon, at ang lupain ni Og na hari, sa Basan.
23. Ang kanila namang mga anak ay pinarami mo na gaya ng mga bituin sa langit, at mga ipinasok mo sila sa lupain, tungkol doon sa iyong sinabi sa kanilang mga magulang, na sila'y magsiparoon, upang ariin.
24. Sa gayo'y ang mga anak ay pumasok at inari ang lupain, at iyong pinasuko sa harap nila ang mga mananahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ng kanilang mga hari, at ang mga bayan ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang ibigin.
25. At sila'y nagsisakop ng mga bayan na nakukutaan, at ng matabang lupain, at nangagari ng mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, ng mga balon na hinukay, ng mga ubasan, at ng mga olibohan, at ng mga punong kahoy na may bungang sagana: na anopa't sila'y nagsikain, at nangabusog, at naging mataba, at nangaaliw sa iyong malaking kagandahang loob.
26. Gayon ma'y naging manunuway sila at nanghimagsik laban sa iyo, at tinalikdan ang iyong kautusan, at pinatay ang iyong mga propeta na nangagpatotoo laban sa kanila na sila'y magsipanumbalik sa iyo, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi.
27. Kaya't iyong ibinigay sila sa kamay ng kanilang mga kalaban, na siyang nangagpapanglaw sa kanila: at sa panahon ng kanilang kabagabagan, nang sila'y magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at ayon sa iyong saganang mga kaawaan ay iyong binigyan sila ng mga tagapagligtas, na nangagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kalaban.
28. Nguni't pagkatapos ng kanilang kapahingahan, sila'y nagsigawa uli ng kasamaan sa harap mo: kaya't pinabayaan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na anopa't mga napapanginoon sa kanila: gayon ma'y nang sila'y magsipanumbalik, at magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at madalas na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.
29. At sumaksi ka laban sa kanila, upang mangaibalik mo sila sa iyong kautusan. Gayon ma'y nagsigawa sila na may kapalaluan, at hindi dininig ang iyong mga utos, kundi nangagkasala laban sa iyong mga kahatulan, (na kung gawin ng isang tao, siya'y mabubuhay sa kanila,) at iniurong ang balikat at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi nangakinig.
30. Gayon ma'y tiniis mong malaon sila, at sumaksi ka laban sa kanila ng iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta: gayon ma'y hindi sila nangakinig: kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga bayan ng mga lupain.
31. Gayon ma'y sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo lubos na niwakasan sila, o pinabayaan man sila; sapagka't ikaw ay mapagbiyaya at maawaing Dios.
32. Ngayon nga, aming Dios, na dakila, na makapangyarihan at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan, huwag mong ariing munting bagay sa harap mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga saserdote, at sa aming mga propeta, at sa aming mga magulang, at sa iyong buong bayan, mula sa kapanahunan ng mga hari sa Asiria hanggang sa araw na ito.