6. At ako'y nagalit na mainam, nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga salitang ito.
7. Nang magkagayo'y sumangguni ako sa aking sarili, at nakipagtalo ako sa mga mahal na tao at sa mga pinuno, at nagsabi sa kanila, Kayo'y nangagpapatubo, bawa't isa sa kaniyang kapatid. At ako'y nagdaos ng malaking kapulungan laban sa kanila.
8. At sinabi ko sa kanila, Kami ayon sa aming kaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio, na mga naipagbili sa mga bansa; at inyo ba ring ipagbibili ang inyong mga kapatid, at sila'y maipagbibili sa amin? Nang magkagayo'y nagsitahimik sila, at hindi nakasumpong kailan man ng salita.
9. Sinabi ko rin, Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti: hindi ba kayo marapat magsilakad sa takot sa ating Dios, dahil sa pagdusta ng mga bansa, na ating mga kaaway?
10. At ako'y gayon din, ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nangutang sa kanila ng salapi at trigo. Isinasamo ko sa inyo na ating iwan ang patubong ito.
11. Isinasamo ko sa inyo, na isauli ninyo sa kanila, sa araw ding ito, ang kanilang mga bukid, at ang kanilang mga ubasan, ang kanilang mga olibohan, at ang kanilang mga bahay, gayon din ang ikasangdaang bahagi ng salapi, at ng trigo, ng alak, at ng langis, na inyong hinihingi sa kanila.
12. Nang magkagayo'y sinabi nila, Aming isasauli, at wala kaming hihilingin sa kanila; gayon namin gagawin, gaya ng iyong sinasabi. Nang magkagayo'y tinawag ko ang mga saserdote at pinanumpa ko sila, na sila'y magsisigawa ng ayon sa pangakong ito.