Nehemias 13:16-28 Ang Biblia (TLAB)

16. Doo'y nagsisitahan naman ang mga taga Tiro, na nangagpapasok ng isda, at ng sarisaring kalakal, at nangagbibili sa sabbath sa mga anak ni Juda, at sa Jerusalem.

17. Nang magkagayo'y nakipagtalo ako sa mga mahal na tao sa Juda, at sinabi ko sa kanila, Anong masamang bagay itong inyong ginagawa, at inyong nilalapastangan ang araw ng sabbath?

18. Hindi ba nagsigawa ng ganito ang inyong mga magulang, at hindi ba dinala ng ating Dios ang buong kasamaang ito sa atin, at sa bayang ito? gayon ma'y nangagdala pa kayo ng higit na pag-iinit sa Israel, sa paglapastangan ng sabbath.

19. At nangyari, na nang ang pintuang-bayan ng Jerusalem ay magpasimulang magdilim bago dumating ang sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay sarhan, at iniutos ko na huwag nilang buksan hanggang sa makaraan ang sabbath: at ang ilan sa aking mga lingkod ay inilagay ko sa mga pintuang-bayan, upang walang maipasok na pasan sa araw ng sabbath.

20. Sa gayo'y ang mga mangangalakal at manininda ng sarisaring kalakal, ay nangatigil sa labas ng Jerusalem na minsan o makalawa.

21. Nang magkagayo'y nagpatotoo ako laban sa kanila, at nagsabi sa kanila, Bakit nagsisitigil kayo sa may kuta? kung kayo'y magsigawa uli ng ganiyan, aking pagbubuhatan ng kamay kayo. Mula nang panahong yaon ay hindi na sila naparoon pa ng sabbath.

22. At ako'y nagutos sa mga Levita na sila'y mangagpakalinis, at sila'y magsiparoon, at ingatan ang mga pintuang-bayan, upang ipangilin ang araw ng sabbath. Alalahanin mo ako, Oh aking Dios, dito man, at kahabagan mo ako ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan.

23. Nang mga araw namang yaon ay nakita ko ang mga Judio na nangagaasawa sa mga babae ng Asdod, ng Ammon, at ng Moab:

24. At ang kanilang mga anak ay nagsasalita ng kalahati sa wikang Asdod, at hindi makapagsalita ng wikang Judio, kundi ayon sa wika ng bawa't bayan.

25. At ako'y nakipagtalo sa kanila, at sinumpa ko sila, at sinaktan ko ang iba sa kanila, at sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pamamagitan ng Dios, na sinasabi ko, Kayo'y huwag mangagbibigay ng inyong mga anak na babae na maging asawa sa kanilang mga anak na lalake, ni magsisikuha man ng kanilang mga anak na babae sa ganang inyong mga anak na lalake, o sa inyong sarili.

26. Hindi ba nagkasala si Salomon na hari sa Israel sa pamamagitan ng mga bagay na ito? gayon man sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya; at siya'y minahal ng kaniyang Dios, at ginawa siyang hari ng Dios sa buong Israel: gayon ma'y pinapagkasala rin siya ng mga babaing taga ibang lupa.

27. Didinggin nga ba namin kayo na inyong gawin ang lahat na malaking kasamaang ito, na sumalangsang laban sa ating Dios sa pagaasawa sa mga babaing taga ibang lupa?

28. At isa sa mga anak ni Joiada, na anak ni Eliasib na dakilang saserdote, ay manugang ni Sanballat na Horonita: kaya't aking pinalayas siya sa akin.

Nehemias 13