Mga Taga-Roma 9:10-25 Ang Biblia (TLAB)

10. At hindi lamang gayon; kundi nang maipaglihi na ni Rebeca sa pamamagitan ng isa, ito nga'y ng ating ama na si Isaac-

11. Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag,

12. Ay sinabi sa kaniya, Ang panganay ay maglilingkod sa bunso.

13. Gaya ng nasusulat, Si Jacob ay inibig ko, datapuwa't si Esau ay aking kinapootan.

14. Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari.

15. Sapagka't sinasabi niya kay Moises, Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.

16. Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.

17. Sapagka't sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala'y maitanyag sa buong lupa.

18. Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas.

19. Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban?

20. Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito?

21. O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya.

22. Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira:

23. At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian,

24. Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?

25. Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig.

Mga Taga-Roma 9