6. Datapuwa't ngayon tayo'y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo'y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa't nagsisipaglingkod na tayo sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat.
7. Ano nga ang ating sasabihin? Ang kautusan baga'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Datapuwa't, hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kundi sa pamamagitan ng kautusan: sapagka't hindi ko sana nakilala ang kasakiman, kung hindi sinasabi ng kautusan, Huwag kang mananakim:
8. Datapuwa't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay gumawa sa akin sa pamamagitan ng utos ng sarisaring kasakiman: sapagka't kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.
9. At nang isang panahon ako'y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa't nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay;
10. At ang utos na sa ikabubuhay, ay nasumpungan kong ito'y sa ikamamatay;
11. Sapagka't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay dinaya ako sa pamamagitan ng utos, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.
12. Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.
13. Ang mabuti nga baga ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Kundi ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan, sa pamamagitan ng mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan; na sa pamamagitan ng utos ang kasalanan ay maging lalong sala.
14. Sapagka't nalalaman natin na ang kautusa'y sa espiritu: nguni't ako'y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
15. Sapagka't ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman: sapagka't ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa't ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko.
16. Nguni't kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan.
17. Kaya ngayo'y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.
18. Sapagka't nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka't ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa't ang paggawa ng mabuti ay wala.