Mga Taga-Roma 2:4-21 Ang Biblia (TLAB)

4. O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

5. Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios;

6. Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa:

7. Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:

8. Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan,

9. Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego;

10. Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego:

11. Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.

12. Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan;

13. Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap;

14. (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;

15. Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa);

16. Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.

17. Nguni't kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios,

18. At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y tinuruan ka ng kautusan,

19. At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman,

20. Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan;

21. Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka?

Mga Taga-Roma 2