Mga Taga-Galacia 4:1-17 Ang Biblia (TLAB)

1. Nguni't sinasabi ko na samantalang ang tagapagmana ay bata, ay walang pagkakaibang anoman sa alipin bagama't siya'y panginoon ng lahat;

2. Datapuwa't nasa ilalim ng mga tagapagampon at ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng ama.

3. Gayon din naman tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y nasasakop ng pagkaalipin sa ilalim ng mga pasimulang aral ng sanglibutan.

4. Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

5. Upang matubos niya ang nangasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak.

6. At sapagka't kayo'y mga anak, ay sinugo ng Dios ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, Abba, Ama.

7. Ano pa't hindi ka na alipin, kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana ka nga sa pamamagitan ng Dios.

8. Gayon man nang panahong yaon, sa hindi ninyo pagkakilala sa Dios, kayo'y nasa pagkaalipin ng sa katutubo ay hindi mga dios:

9. Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin?

10. Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.

11. Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan.

12. Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na kayo'y mangagsitulad sa akin, sapagka't ako'y katulad din ninyo. Wala kayong ginawa sa aking anomang kasamaan.

13. Datapuwa't nalalaman ninyo na dahil sa sakit ng laman, ay ipinangaral ko sa inyo ang evangelio nang pasimula:

14. At yaong sa inyo'y isang tukso sa aking laman ay hindi ninyo inalipusta, ni itinakuwil man; kundi ako'y tinanggap ninyong tulad sa isang anghel ng Dios, tulad kay Cristo Jesus.

15. Saan nga naroon yaong inyong kapalaran? sapagka't pinatototohanan ko sa inyo, na, kung mangyayari, ay inyong dinukit sana ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.

16. Kaya nga ako baga'y naging kaaway ninyo, sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?

17. May nangagmamalasakit sa inyo sa hindi mabuting akala; subali't, ang ibig nila ay ihiwalay kayo, upang ipagmalasakit ninyo sila.

Mga Taga-Galacia 4