14. Kaya sinasabi niya, Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo.
15. Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;
16. Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.
17. Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18. At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;
19. Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;
20. Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama;
21. Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo.
22. Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon.
23. Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.
24. Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay.
25. Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;
26. Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita,
27. Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan.