32. Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.
33. Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.
34. Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.
35. Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,
36. Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.
37. Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?
38. Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?
39. Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?
40. Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.
41. Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.
42. Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.
43. Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.
44. Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.
45. Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.
46. Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.
47. Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.
48. Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.
49. Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.