15. Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.
16. Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.
17. At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.
18. At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.
19. Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.
20. Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.
21. Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.
22. Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.
23. Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.
24. Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.
25. Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.
26. Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.
27. Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.
28. Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.
29. Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.
30. Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.
31. Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.
32. Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.