20. Ako'y lumalakad sa daan ng katuwiran, sa gitna ng mga landas ng kahatulan:
21. Upang aking papagmanahin ng pag-aari yaong nagsisiibig sa akin, at upang aking mapuno ang kanilang ingatang-yaman.
22. Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.
23. Ako'y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa.
24. Ako'y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig.
25. Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako'y nailabas:
26. Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.
27. Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya'y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:
28. Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:
29. Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa:
30. Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya;
31. Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao.
32. Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: sapagka't mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan.
33. Mangakinig kayo ng turo, at kayo'y magpakapantas, at huwag ninyong tanggihan.
34. Mapalad ang tao na nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.