Mga Kawikaan 8:1-13 Ang Biblia (TLAB)

1. Hindi ba umiiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig?

2. Sa taluktok ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya'y tumatayo;

3. Sa tabi ng mga pintuang-bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya'y humihiyaw ng malakas:

4. Sa inyo, Oh mga lalake, ako'y tumatawag; at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao.

5. Oh kayong mga musmos, magsiunawa kayo ng katalinuhan; at, kayong mga mangmang, makaunawa kayo sa puso.

6. Kayo'y mangakinig, sapagka't magsasalita ako ng mga marilag na bagay; at ang buka ng aking mga labi ay magiging mga matuwid na bagay,

7. Sapagka't ang aking bibig ay sasambit ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aking mga labi.

8. Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila.

9. Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

10. Tanggapin mo ang aking turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kay sa dalisay na ginto.

11. Sapagka't ang karunungan ay maigi kay sa mga rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya.

12. Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, at aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.

13. Ang pagkatakot sa Panginoon ay ipagtanim ang kasamaan; Kapalaluan, at kahambugan at masamang lakad, at ang masamang bibig ay aking ipinagtatanim.

Mga Kawikaan 8