7. Ang matuwid ay kumukuhang alam sa bagay ng dukha: ang masama ay walang unawang makaalam.
8. Ang mga mangduduwahaging tao ay naglalagay ng bayan sa liyab: nguni't ang mga pantas na tao ay nagaalis ng poot.
9. Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang mangmang, magalit man o tumawa, ang mangmang ay hindi magkakaroon ng kapahingahan.
10. Ang mangbububo ng dugo ay nagtatanim sa sakdal: at tungkol sa matuwid, hinahanap nila ang kaniyang buhay.
11. Inihihinga ng mangmang ang buong galit niya: nguni't ang pantas ay nagpipigil at tumitiwasay.
12. Kung ang puno ay nakikinig sa kabulaanan, lahat niyang mga lingkod ay masasama.
13. Ang dukha at ang mamimighati ay nagsasalubong; pinapagniningas ng Panginoon ang mga mata nila kapuwa.
14. Ang hari na humahatol na tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailan man.
15. Ang pamalo at saway ay nagbibigay karunungan: nguni't ang batang binabayaan ay humihiya sa kaniyang ina.
16. Pagka ang masama ay dumadami, pagsalangsang ay dumadami: nguni't mamamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17. Sawayin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; Oo, bibigyan niya ng kaluguran ang iyong kaluluwa.
18. Kung saan walang pangitain, ang bayan ay sumasama: nguni't siyang nagiingat ng kautusan ay maligaya siya.