Mga Kawikaan 28:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Ang masama ay tumatakas ng walang taong humahabol: nguni't ang matuwid ay matapang na parang leon.

2. Dahil sa pagsalangsang ng lupain ay marami ang kaniyang mga pangulo: nguni't sa naguunawa at matalino ay malalaon ang kalagayan niya.

3. Ang mapagkailangan na pumipighati sa dukha ay parang bugso ng ulan na hindi nagiiwan ng pagkain.

4. Silang nangagpapabaya sa kautusan ay nagsisipuri sa masama: nguni't ang nangagiingat ng kautusan ay nangakikipagkaalit sa kanila.

5. Ang masasamang tao ay hindi nangakakaunawa ng kahatulan: nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay nangakakaunawa sa lahat ng mga bagay.

6. Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, kay sa suwail sa kaniyang mga lakad, bagaman siya'y mayaman.

7. Sinomang nagiingat ng kautusan ay pantas na anak: nguni't siyang kasama ng mga matakaw ay nagbibigay kahihiyan sa kaniyang ama.

8. Ang nagpapalago ng kaniyang yaman sa tubo at pakinabang, ay pumipisan sa ganang may awa sa dukha.

9. Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kaniyang dalangin ay karumaldumal.

10. Sinomang nagliligaw sa matuwid sa masamang daan, siya'y mahuhulog sa kaniyang sariling lungaw: nguni't ang sakdal ay magmamana ng mabuti.

11. Ang mayaman ay pantas sa ganang kaniyang sarili; nguni't ang dukha na naguunawa ay sumisiyasat.

12. Pagka ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian: nguni't pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagtago ang mga tao.

Mga Kawikaan 28