Mga Kawikaan 24:13-22 Ang Biblia (TLAB)

13. Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagka't mabuti; at ng pulot-pukyutan na matamis sa iyong lasa:

14. Sa gayo'y matututo ka ng karunungan na malalagay sa iyong kaluluwa: kung iyong nasumpungan ito, sa gayo'y magkakaroon ka nga ng kagantihan, at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.

15. Huwag kang bumakay, Oh masamang tao, sa tahanan ng matuwid; huwag mong sirain ang kaniyang dakong pahingahan:

16. Sapagka't ang matuwid ay nabubuwal na makapito, at bumabangon uli: nguni't ang masama ay nabubuwal sa kasakunaan.

17. Huwag kang magalak pagka ang iyong kaaway ay nabubuwal, at huwag matuwa ang iyong puso pagka siya'y nabubuwal:

18. Baka makita ng Panginoon, at ipagdamdam ng loob siya, at kaniyang ihiwalay ang poot niya sa kaniya.

19. Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng masama; ni maging mapanaghiliin ka man sa masama:

20. Sapagka't hindi magkakaroon ng kagantihan sa masamang tao; ang ilawan ng masama ay papatayin.

21. Anak ko, matakot ka sa Panginoon at sa hari: at huwag kang makisalamuha sa kanila na mapagbago:

22. Sapagka't ang kanilang kasakunaan ay darating na bigla; at sinong nakakaalam ng kasiraan nila kapuwa?

Mga Kawikaan 24