Mga Kawikaan 20:18-30 Ang Biblia (TLAB)

18. Bawa't panukala ay natatatag sa pamamagitan ng payo: at sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka.

19. Ang yumayaong mapaghatid-dumapit ay naghahayag ng mga lihim: kaya't huwag kang makisalamuha sa kaniya na nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi.

20. Siyang sumusumpa sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa salimuot na kadiliman.

21. Ang mana ay matatamong madali sa pasimula; nguni't ang wakas niyao'y hindi pagpapalain.

22. Huwag mong sabihin, ako'y gaganti ng kasamaan: maghintay ka sa Panginoon, at kaniyang ililigtas ka.

23. Mga iba't ibang panimbang ay karumaldumal sa Panginoon; at ang sinungaling na timbangan ay hindi mabuti.

24. Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon; paano ngang mauunawa ng tao ang kaniyang lakad?

25. Silo nga sa tao ang magsabi ng walang pakundangan, banal nga, at magsiyasat pagkatapos ng mga panata.

26. Ang pantas na hari ay nagpapapanabog ng masama. At dinadala sa kanila ang gulong na panggiik.

27. Ang diwa ng tao ay ilawan ng Panginoon, na sumisiyasat ng mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.

28. Kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapalagi sa hari: at ang kaniyang luklukan ay inaalalayan ng kagandahang-loob.

29. Ang kaluwalhatian ng mga binata ay ang kanilang kalakasan: at ang kagandahan ng matanda ay ang ulong may uban.

30. Ang mga latay na sumasakit ay lumilinis ng kasamaan: at ang mga hampas ay dinaramdam sa mga pinakaloob na bahagi ng tiyan.

Mga Kawikaan 20