13. Ang mangmang na anak ay kapanglawan ng kaniyang ama: at ang mga pakikipagtalo ng asawa ay walang likat na tulo.
14. Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang: nguni't ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon.
15. Katamaran ay nagbabaon sa mahimbing na pagkakatulog; at ang tamad na kaluluwa ay magugutom.
16. Ang nagiingat ng utos ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa: nguni't ang walang babala sa kaniyang mga lakad ay mamamatay.
17. Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli.
18. Parusahan mo ang iyong anak, dangang may pagasa; at huwag mong ilagak ang iyong puso sa kaniyang ikapapahamak.
19. Ang taong may malaking poot ay magtataglay ng parusa: sapagka't kung iyong iligtas iyong marapat na gawin uli.
20. Makinig ka ng payo, at tumanggap ka ng turo, upang ikaw ay maging pantas sa iyong huling wakas.
21. May maraming katha sa puso ng tao; nguni't ang payo ng Panginoon, ay siyang tatayo.
22. Yaong nakagagawa sa isang tao upang siya'y maging kanaisnais ay ang kaniyang kagandahang-loob: at ang isang dukha ay maigi kay sa isang sinungaling.
23. Ang pagkatakot sa Panginoon ay patungo sa kabuhayan; at ang nagtatangkilik noon ay tatahang may kasiyahan: hindi siya dadalawin ng kasamaan.
24. Idinadampot ng tamad ang kaniyang kamay sa pinggan, at hindi na magsusubo pa sa kaniyang bibig uli.
25. Iyong saktan ang manglilibak, at ang musmos ay magaaral ng kabaitan: at iyong sawayin ang naguunawa, at siya'y makakaunawa ng kaalaman.
26. Ang sumasamsam sa kaniyang ama, at nagpapalayas sa kaniyang ina, ay anak na nakakahiya at nagdadala ng kakutyaan.
27. Magtigil ka, anak ko, sa pakikinig ng aral na nagliligaw lamang mula sa mga salita ng kaalaman.
28. Ang walang kabuluhang saksi ay lumilibak sa kahatulan: at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan.
29. Ang mga kahatulan ay nahahanda sa mga manglilibak, at ang mga hampas ay sa mga likod ng mga mangmang.