Mga Kawikaan 11:1-17 Ang Biblia (TLAB)

1. Ang marayang timbangan ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang ganap na timbangan ay kaniyang kaluguran.

2. Pagka dumarating ang kapalaluan ay dumarating nga ang kahihiyan: nguni't nasa mababa ang karunungan.

3. Ang pagtatapat ng mga matuwid ay papatnubay sa kanila: nguni't ang mga kasuwailan ng mga taksil ay papatay sa kanila.

4. Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa kaarawan ng poot: nguni't ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.

5. Ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo ng kaniyang lakad: nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan.

6. Ang katuwiran ng mga matuwid ay magliligtas sa kanila: nguni't silang gumagawang may karayaan ay madadakip sa kanilang sariling kasamaan.

7. Pagka ang masamang tao ay namamatay, ang kaniyang pag-asa ay mapapasa pagkapahamak; at ang pagasa ng masama ay nawawala.

8. Ang matuwid ay naliligtas sa kabagabagan, at ang masama ay dumarating na kahalili niya.

9. Pinapatay ng masama ng kaniyang bibig ang kaniyang kapuwa: nguni't sa kaalaman ay maliligtas ang matuwid.

10. Pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak: at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan.

11. Nabubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid: nguni't napapahamak sa pamamagitan ng bibig ng masama.

12. Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay walang karunungan: nguni't ang taong naguunawa ay tumatahimik.

13. Siyang yumayaong mapaghatid dumapit ay naghahayag ng mga lihim: nguni't ang may diwang tapat ay nagtatakip ng bagay.

14. Kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan.

15. Siyang nananagot sa di kilala, ay mapapariwara: nguni't siyang nagtatanim sa pananagot ay tiwasay.

16. Ang mapagbiyayang babae ay nagiimpok ng karangalan: at ang marahas na lalake ay pumipigil ng kayamanan.

17. Ang maawaing tao ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't ang taksil ay bumabagabag sa kaniyang sariling laman.

Mga Kawikaan 11